H1N1, Holdap, at ang Hirap ng Buhay

Monday, June 22, 2009 ·

Habang sinusulat ko ang blog na ito, kinumpirma ng DOH na isang Pilipinong may sakit na A(H1N1) ang namatay ngayong araw na ito. Sa pangkasalukuyan, mahigit sa 400 kaso na ng Influenza A (H1N1) Virus ang naitala sa Pilipinas.

Ayon pa sa DOH, 80% naman ng mga naitalang kaso ay tuluyan nang gumaling, habang ang ilan pang maysakit ay kasalukuyang nagpapagaling at binibigyan ng sapat na atensiyon.

Kung susuriin, .25% lamang ang mortality rate ng mga nagkaroon ng nasabing sakit. Tumutugma ito sa statistics ng buong mundo, kung saan iniulat ng mga Health Authorities na lesss than 1% lamang naman ang namamatay dahil sa A (H1N1) Virus.

Katunayan, sa pakikipag-usap ko sa isang taxi driver nitong nakaraang Sabado, mukhang mas delikado pa yata ang Holdap kaysa sa H1N1 Virus.

**********

Napasarap ang kwentuhan namin ni Manong Driver noong Sabado ng umaga. Kasasakay lang namin mula sa Bicutan papuntang Quezon City para sa monthly check-up ni baby nang mag-umpisa ang litanya.

Galing daw siya, sumaglit sa inuuwiang bahay sa may Alabang para mag-intrega ng 300 panggastos ng mag-anak niya. Mabuti raw at naisakay niya kami, kahit paano, sigurado nang may kita siya pabalik ng Quezon City/Manila.

Hindi naman daw kagaya ng ibang taxi driver na namimili ng pasahero. Huwag lang daw holdaper ang maisakay niya. Madali naman daw malaman kung holdaper ang pasahero. Kadalasan, kahina-hinala ang kilos, mga 2 o 3 kalalakihan na papara at magpapahatid sa "medyo" probinsiyang lugar (tulad ng Antipolo, Fairview). Malalaman at malalaman mo raw dahil hindi sila nagsasalita habang tumatakbo ang taxi. At may mararamdaman ka raw na "kakaiba".

Iniisip ko naman, eh paano pa kapag ganoon? Makaka-eskapo ka pa kaya, eh nakasakay na sa taxi mo ang mga holdaper?

**********

Tatlong beses na daw siyang na-holdap. Na-break niya ang record nung isang driver na nasakyan ko na dalawang beses nang natiyempuhan ng mga holdaper. Ok lang sana kung kukuhanin lang ang pera, ang masakit, sabi niya, iyong sasaktan ka pa pagkatapos *sabay paglabas ng mura sa bibig niya*.

Naranasan na raw niyang paluin ng baril ng mga *sabay mura* holdaper sa balikat at sakalin ng alambre. Iniwan daw siya ng mga *sabay mura* holdaper sa isang madamo at madilim na lugar matapos siyang tadyakan palabas ng kotse. Nagising na lang siya pagkalipas ng ilang oras dahil sa kagat ng mga langgam sa buong katawan niya.

Pero kahit ganoon, pasalamat pa rin daw siya dahil hindi niya inabot ang *sabay mura* sinapit ng isa nilang kasamahan.

**********

May kasama daw silang driver na inundayan ng saksak nung tatlong teen-agers na nangholdap dito sa may Lawton, Maynila. Hiningi daw nung *sabay mura* holdaper yung pera. Noong huhugutin na ng driver ang pera sa bulsa, biglang inundayan ng saksak ng holdaper na katabi nito ang driver dahil akala ay bubunot daw ng patalim yung driver. Kaya sumunod na rin na sumaksak ang dalawang kasama.

Naisugod pa raw ang taxi driver sa PGH, pero hindi na rin nabuhay dahil inabot ng kalawanging ice pick ang puso ng driver.

Sinagot naman ng operator ang palibing ng driver at binigyan ng P50,000 ang mga naulila.

At hanggang ngayon ay iniisip ko kung paano nila nalaman ang buong pangyayari sa pagkakaholdap sa kakilala nilang taxi driver.

**********

Marami pa siyang kilalang pinatay na taxi driver dahil sa holdap. May isa pang iginapos daw muna tsaka inihulog sa ilog sa may papuntang Antipolo.

Meron pang isa na ilang araw na bago natagpuan ng mga barangay tanod sa loob ng compartment ang driver sa may parteng Batangas.

Madalas daw ang holdapan lalo na kapag December (magpapasko kasi at bigayan ng bonus).

Nakakalungkot at nakakainis lang talagang isipin kung bakit itong mga taong ito na may lakas at kakayahan ay kailangang mang agrabiyado ng ibang taong nagtatrabaho ng maayos para lang sa perang makukuha sa maling pamamaraan.

Hindi maaaring isisi na mahirap ang buhay. Dahil kung talagang nais magtrabaho ng isang tao ay makakakuha at makakakuha siya ng malinis at marangal na trabaho.

At gusto ko lang idagdag na ang pagmamaneho ng sasakyan, pagtitinda, paglilinis ng kalsada, paglalako ng diyaryo at pagtitinda ng fishball ay malinis at marangal na trabaho.

**********

Napahaba ang usapan namin ni Manong driver. Hindi ko rin napansin na umabot na pala ng higit 200 ang patak ng metro. Pero ayos lang- alam ko namang parehas lumaban si manong.

Sa paghihiwalay namin ay nagkasundo kami sa isa pang mahalagang bagay- importante ang panalangin sa ating pang araw-araw na buhay. Kailangan natin ang gabay ng Diyos para sa proteksiyon at pagpapala, at sa pag-asang darating din ang mas maginhawang buhay para sa ating lahat.

0 comments:

Post a Comment

PEBA NOMINEE

Siyetehan Supports PEBA



Siyetehan Wins

Philippine Blog Awards