Levi's Jeans

Tuesday, July 21, 2009 ·

Galing ako sa isang 5th class municipality, sa Licab, kung saan masasabing hindi naman ganoon ka progresibo ang buhay.

Pagka-graduate ng elementary, medyo nagkaroon ako ng culture shock nang tumira at mag-aral ako sa University Science High School sa Muñoz. Mas sosyal ang mga tao.

Mas maangas.

Tanda ko pa nung 1st day ng klase, merong isang maangas na lalakeng alam kong inaasar asar ako, siguro dahil ika nga eh, mukhang promdi . Hindi ko masyadong marinig yung pinagbubulungan nila, pero alam kong ako ang pinagtatawanan nila kasi tingin sila ng tingin sa akin.

Ni hindi ko man lang naisip na yung lalakeng maangas na iyon ang magiging best buddy ko apat na taong inilagi ko sa Science High.



**********



Friday ang schedule ng PE. Sabi nung prof., dapat naka PE uniform kami at syempre, naka Rubber Shoes pagdating ng alas-kwatro.

Alas-kwatro, sinabihan na kaming lumabas sa school grounds para s a1st PE activity- Long Jump.

Ang problema, ayokong lumabas ng classroom dahil hiyang-hiya ako sa suot kong Mighty Kid na sapatos. Kung bakit ba naman kasi nauso pa ang Nike, Converse at Reebok na suot-suot ng mga kaklase ko.

Kaya noong nagkaroon ako ng Airmax na 2nd hand galing sa pinsan kong tiga-US, eh tuwang tuwa talaga ako. Parang gusto ko, araw-araw, PE.

**********


Naulit ang problema ko pagdating ng 3rd year- PMT o yung Preparatory Military Training. Dapat kasi, pag sinabing Type C uniform, ang suot ng mga kadete eh White T-shirt na naka tuck-in sa Maong Pants.

Noon naman, usung-uso na sa aming mga high school ang mga branded na maong pants. Jag para sa mga sosyal. Levi's para sa mga mas sosyal. Live's para sa iba.

Kabilang ako doon sa iba.


**********

May mga nabibiling immitation brands na maong sa palengke ng Licab. Mayroon pa ngang talagang parehong-pareho ng Jag. Ang kaso mo, ipinagpipilitan sa akin nung tinderang hanggang ngayon eh hindi ko makalimutan ang mukha, na ang bilhin ko eh iyong Jag na pang babae ang burda. Dahil iyon daw ang orig at mas bago.

Bandang huli, nag-settle kami ng Nanay ko sa Live's na immitation naman ng Levi's. Hindi naman halatang immitation, basta huwag mo lang lalapitan at bubusisiing mabuti yung nakasulat na LIVE'S sa etiketa.



**********


Malaking issue para sa mga high school students iyong salitang acceptance. Kailangan, in ka. Kailangan, belong ka. Kailangan meron kang barkada.

Ang nakakatuwa lang, hindi mo kailangang maging mayaman o magkaroon ng mga branded na gamit para maging in sa grupo.

Ang importante pa rin kasi, kahit sa mga kabataan, ay iyong ugali na ipinakikita mo sa ibang tao. Doon ka makakahanap ng totoong acceptance.

**********

Ngayon, masasabi kong nasa estado na rin naman ako ng buhay ko na pwede na akong bumili ng mga branded na gamit. Pwede na akong bumili ng Original na Levi's at ng Nike na sapatos.

Pero lagi ko pa ring binabalikan iyong mga ala-alang ganoon.

Ngayon kasi, kapag bumabalik ang mga pangyayaring iyon sa isipan ko, hindi na ako nakakaramdam ng hiya. Bagkus, naiisip ko na kahit hindi man kami napagkalooban ng mga mamahaling gamit noon eh ipinagpilitan naman ng mga magulang namin na mapag-aral kami ng maayos hanggang college. At hindi ko iyon ipagpapalit sa mga branded na gamit.

2 comments:

Jessa said...
Fri Jul 24, 08:21:00 AM  

I agree with you. :)
High school is a tough one, pero yung acceptance talagang matatagpuan mo kahit hindi ka mayaman.
You're from CLSU din pala. :)

siyetehan said...
Sat Jul 25, 02:20:00 AM  

hi jessa.

science high ka rin?

kindly extend my regards to rhoda (inocencio) dela rosa.


thanks

-joy agustin

Post a Comment

PEBA NOMINEE

Siyetehan Supports PEBA



Siyetehan Wins

Philippine Blog Awards