"Mero'ng Matino?", tanong nang driver ng jeep na nasakyan ko kaninang umaga.
Nagulat ako sa tanong at tinitingnan ko ang reaksiyon ng mga kapwa ko pasahero pero wala rin namang umiimik.
"Wala? Walang Matino?", muling tanong ng driver.
Mangani-ngani na talaga akong sumagot ng "Ako! Ako, Matino!", pero bigla kong naalala na pangalan pala ng kalye ang ibig niyang sabihin, at tinatanong niya kung may bababang pasahero sa 'Matino' Street.
Kalye sa Quezon City ang Matino Street, karatig-kalye ng Maginoo, Matapat, Matiyaga, Matimpiin, at Mapagbigay.
Sadyang creative talaga ang mga Pinoy pagdating sa pagpapangalan ng mga kalye at lugar sa bansa.
May mga kalye na nakapangalan sa mga bayani (Rizal Avenue, Boni Avenue, Aguinaldo Hi-way, Juan Luna Street).
Mayroon naman na hango sa mga tanyag na tao (Taft Ave [William Howard Taft]., Kalaw, Roxas Blvd., EDSA [Epifanio Delos Santos Avenue], Macapagal Blvd., Ortigas).
May galing sa puno, halaman at bulaklak (Lily St., Rose St., Kamias, Santol, Camia, Balete Drive).
Meron ding hango naman sa mga karakter ng nobela (Sisa, Basilio, P. Faura, P. Salvi, Ibarra, Maria Clara).
Kung bakit at kung paanong pinapangalanan ang mga kalye at lugar sa bansa ay paniguradong may mga dahilan, lalo't higit, iyong mga kalye na main avenues, o pangunahing daanan sa Pilipinas. Katunayan, minsan ay nakapag-post na rin ako ng isang article na patungkol sa planong pagpapalit ng pangalan ng Central Avenue pabor sa pangalan ng isang kilalang religious leader.
Pag-asa.
Ito rin siguro ang dahilan kung bakit nagpupumilit ang ilan sa ating mga kababayan na baguhin ang pangalan ng bansang Pilipinas (mula kay King Philip of Spain na siyang sumakop sa ating bayan noong 1560s). Kaya raw siguro tayo hindi umuusad bilang isang maunlad na bansa ay dahil sa nakapangalan pa rin tayo mula sa mga mananakop. Wala raw tayong sariling pagkakakilanlan; at isa pa'y ipinangalan raw tayo sa isang hari na anila ay tamad at hindi mabuting lider sa kanyang nasasakupan.
Nasa mga namumuno at nasa mga mamamayan ang susi upang maging maunlad ang bayan. Gaano man kaganda at kaaya-aya ang ngalan ng ating bansa, kundi naman matino at maayos ang pagpapalakad ng gobyerno, at hindi nakikiisa ang mga mamamayan sa ating mga adhikain, magpapatuloy tayong mahirap at walang sariling pagkakakilanlan.
3 comments:
naghahanap lang nang masisisi yang mga yan! :D
nasa atin lang naman kung paano uunlad ang bansang pinas, yun nga lang medyo mahirap pero kakayanin :)
korek ka jan, lordcm.
kayang kaya kung kakayanin.
meron nga pong matino.
siguro po it goes both ways, kailangan lang po talaga nang bawat Pilipino na maging disiplinado, sa palagay ko po yun na lang ang kulang.
pero kaya nating mga Pinoy dahil matatalino tayo at mabigyan lang ng pagkakataon.
kung papalitan ng pangalan ang Pilipinas ano nga kaya ang maganda?
Post a Comment