Alanganin na kami ng kapatid ko kung makakauwi pa kami sa Licab. Medyo dis-oras na kasi ng gabi at hindi namin alam kung may biyaheng jeep pa bang daraan pauwi sa aming bayan.
Madalas kaming ganoon, naghahabol sa oras. Dapat kasi'y nasa Sicsican, Talavera na kami bago pa sumapit ng 6:30 ng gabi. Kung hindi, malamang eh hindi na namin maabot ang last trip na nanggagaling sa Cabanatuan City.
Nasa dulong bayan ng Nueva Ecija ang Licab, at dahil hindi naman sadyang progresibo pa noong mga 1990's eh hindi 24 hours ang biyahe ng mga sasakyan. Katunayan, kahit ngayon na makalipas ang lagpas 20 taon ay ganoon pa rin- kapag sumapit ang alas-otso ng gabi ay halos wala nang mga taong naglipana sa kalsada.
Iniisip na rin namin na bumalik na lang sa boarding house na tinutuluyan namin sa loob ng CLSU campus at kinabukasan na lang umuwi nang may pumaradang tricycle sa aming pinag-aantayan.
"Baka me'rong tiga-Licab diyan? Sumakay na kayo dito!", sigaw ng driver ng tricycle.
Pamilyar sa amin ang mukha nung driver, miyembro ng isang kilalang sekta ng relihiyon at nangungupahan sa bahay na pinarerentahan ng kamag-anak namin.
"Ayos", sa loob-loob namin, dahil makakauwi rin kami, sa wakas.
Tatlo kaming pasaherong sumakay sa loob ng tricycle; samantalang yung asawa ng driver eh lumipat na lang sa likod na upuan ng motor.
Malayu-layo rin ang biyahe. Kung tinatakbo ng jeep ang Sicsican-Licab sa loob ng treinta minutos, sa tricycle siguro eh umabot kami ng mga kuwarenta'y singko minutos. Pero ayos lang, ang importante ay nakauwi at natutuwa kami na may mga taong katulad nila na nagmagandang-loob na isakay kami pauwi ng Licab.
"Tabi na lang po", sabi ko nang matanaw na namin ang bakod ng bahay namin.
"Salamat po", banggit ng kapatid ko matapos naming bumaba ng tricycle.
"Anong salamat?!", sabing pagalit ng driver. "Magbayad naman kayo!"
At kami'y natulala.
The Long View: Moderate your greed
1 week ago
0 comments:
Post a Comment