Kyutiks

Tuesday, March 9, 2010 ·

Kung ka-edaran kita at halos eh nasa elementary grade ka ng 1980s hanggang early 1990s, malamang sa malamang eh alam mo yung sikat na sikat na Caronia Nail Polish Commercial jingle na kalaunan eh ginawang spoof ng Tropang Trumpo (Channel 5) nila Michael V at Ogie Alcasid noon hindi pa sila lumilipat sa Channel 7 para sa Bubble Gang.

Malamang din eh hindi nail polish ang tawag mo doon sa maliliit na boteng ginagamit ng nanay mo sa pagkukulay ng kuko, kundi, Kyutiks, o Cutics (ang sabi ni Misis, siguro daw ay nakuha ang word na ito sa salitang cuticle).

**********

Mas madalas mang gamitin ng mga babae ang kyutiks, may mga mangilan-ngilan din namang mga lalake na gumagamit nito, yun nga lang, ang ginagamit lang nila ay yung natural color, o yung kyutiks na walang kulay, at nagpapakintab lang ng kuko.

**********

Pero sa aming bahay noong araw, alam kong hindi lang sa kuko ginagamit ng aking ina ang kyutiks, dahil nakikita ko rin na ipinapahid niya ito paminsan-minsan sa kanyang mga stockings.

Bilang isang guro sa Licab Central School (pampublikong paaralan sa Nueva Ecija), laging naka-uniporme si nanay at laging may suot na stockings tuwing papasok- at sa pagkakaalam ko, nilalagyan niya ng kyutiks o nail polish ang parte ng stockings kung saan nagkaroon ng run, o sira.

Noon, akala ko eh nilalagyan ng kyutiks para maayos ang sira. Kailan ko lang nalaman na nilalagyan pala ng kyutiks para hindi na tumuloy ang sira ng stockings.

**********

Paminsan-minsan ay nakakakita pa rin ako ng mga maliliit na bote ng kyutiks sa bahay, pero alam kong hindi na ito ginagamit ng aking ina upang ipahid sa stockings. Retirado na kasi siya, at bihirang-bihira na rin siyang magsuot ngayon ng stockings. Ngunit kailanman, ang mga mumunting bote ng kyutiks na ito ay magsisilbing ala-ala na minsan, isang panahon sa aming buhay ay gumawa ang aking ina ng paraan upang magtipid at gamitin ng wasto ang salapi alang-alang sa kapakanan ng kanyang mga anak.

3 comments:

kaspangarigan said...
Wed Mar 10, 10:05:00 PM  

Bow ako sa Nanay mo pagdating diyan. Alam ko kasi yang Caronia nail polish na yan na ginagamit noong araw. Ang alam ko hindi yan 1980 lang, mas mababa pang taon yan uso kasi pag graduate ko ng College ng 1975 ay uso na yan.

Yung pamadang Tancho Tique, nadatnan mo pa ba?

Anonymous said...
Tue Mar 16, 07:40:00 PM  

hahaha, teacher din pala ang nanay mo. nakatutuwa dahil si mama noon, ginagawa niya rin ito. at inakala ko rin na nilalagyan ng q-tix ang buong run, nilalagay lang pala ito sa magkabilang dulo.

it appears to me that most of us who have mothers who are teachers almost have the same experiences.

siyetehan//joyagustin said...
Tue Mar 16, 10:22:00 PM  

@kaspangarigan: naku, hindi ko na po inabot yung pomada. hehe. ang alam ko lang eh yung three flowers

@johnryan: yes, mas malamang eh pare-pareho tayo ng kwento dahil halos pare pareho lang din naman ang estado ng sweldo at buhay ng mga guro.

Post a Comment

PEBA NOMINEE

Siyetehan Supports PEBA



Siyetehan Wins

Philippine Blog Awards