Showing posts with label Saranggola Blog Awards. Show all posts
Showing posts with label Saranggola Blog Awards. Show all posts

Si Mang Joe

Tuesday, September 21, 2010 · 32 comments

Regular visitor namin si Mang Joe dati sa Boarding House noong nag-aaral pa ako sa isang malaking unibersidad sa Central Luzon.


Araw-araw kasi tuwing alas sais ng hapon, tumatambay na siya sa tapat ng bahay para maghintay ng mga estudyanteng bibili ng tinda niyang fishballs. Dahil marami-rami kaming nanunuluyan sa boarding house, halos sa amin pa lang, nauubos na ang paninda niya. Naging kapalagayan na rin namin siya ng loob kaya kahit na ubos na ang paninda, tumatambay rin siya paminsan-minsan para lang makipagkwentuhan.


Minsan ay naisipan ko siyang biruin kung bakit naman sa dinami-dami ng maititinda eh yung cheap at street food pa ang napili niya.


"Oy, Dong, wag mong iniismol ang pisbol ko! Alam mo bang kahit pisbol lang ang tinda ko eh me anak ako sa UP?", mayabang niyang sagot.


"Talaga ho?!", pagulat kong sabi.


"Oo, Dong, pero yung anak ko, nagtitinda rin ng pisbol sa UP!", tsaka siya tumawa ng malutong. "Pumasok ka na nga, Dong, sa boarding house, at gumagabi na. Baka maaga pa ang pasok mo bukas".




**********


Nang minsang matiyempuhan na ako lang ang mag-isang bumibili ng fishball ay tinanong ako ni Mang Joe. "Dong, mahirap ba yang course mong Education? Kasi yung anak kong sinasabi sa'yo na nasa UP, magsi-second year na sa June, eh Education daw ang kukuhaning kurso."


Noon ko lang nalaman na totoo palang may anak siyang fishball vendor nga sa UP pero paunti-unti ay nag-aaral.


"Hindi naman mahirap ang kursong Education, Mang Joe. Ang importante eh masipag mag-aral at may determinasyon na makatapos", sabi ko.


"Kunsabagay, tama ka. Alam mo, masipag yung anak ko. Tsaka hindi niya ikinakahiya na magtinda ng fishball. Basta sa kanya, hindi dapat ikahiya ang marangal na trabaho, makatapos lang ng pag-aaral."


"Magtatagumpay ang anak niyo, Mang Joe", sabi ko. "Sa tulong ng Diyos, makakatapos ang anak niyo."


"Salamat, Dong. Yan ang ipinapanalangin ko sa Kanya araw-araw", pagwawakas niyang sabi.






**********


Lumabas ako isang hapon dahil nagkaka-ingay sa tapat ng Boarding House. Masaya ang mga tao habang nakapaligid sa fishball cart ni Mang Joe. Nang matanaw ako ni Mang Joe ay pasigaw niya akong tinawag. "Dong! Alika dito! Tumusok ka na nang fishball dito at sagot ko! Eat All You Can!", masaya niyang sabi.


"Ano ho'ng meron?", sabi ko nang makalapit ako't mag-umpisang tumuhog ng fishball.


"Na-promote ang anak niya, 'tol!", sabi nang isang boardmate ko. "Di na raw fishball vendor. Sa Jollibee na raw nagta-trabaho, hahaha!".


"Oo, Dong", sabi ni Mang Joe. "Natanggap na crew sa Jollibee ang anak ko sa may Pelkuwa daw ata 'yun", nakangiti niyang sabi.


"Ah, PHILCOA po", sabi ko naman. "Mas mainam po doon, mas malaki ang kita niya at mas maayos ang trabaho".


"Oo, kaya nga tuwang-tuwa ako. O! tusok pa! Kain lang ng kain at walang bayad yan!"


Halos alas-otso na nang gabi nang magpaalam si Mang Joe para umuwi.


"Sandali ho, Mang Joe", sabi ko at mabilis akong pumasok sa Boarding House.


Pagbalik ko ay iniabot ko ang ilang librong itinabi ko na layon ko talagang ibigay sa anak ni Mang Joe. "Pakibigay niyo na ho ito sa anak niyo. Mga libro ko ho yan at mga reviewers. Dagdag reading materials para hindi na siya bumili pa."


"Salamat, Dong, ha! Matutuwa ang anak ko dito. Tamang-tama, dadalaw kami sa kanya sa katapusan, maibibigay ko ito sa kanya!"






**********


Limang taon ang lumipas nang muli akong makabalita tungkol kay Mang Joe. Kagagaling ko noon sa pinapagtuturuang University sa Quezon City at naisipan kong manood ng documentary show sa Channel 7 kung saan ang feature nila ay tungkol sa mga estudyanteng nag-top ng board exam sa larangan ng Accountancy, Nursing at Education.

Kasali sa istorya ay ang family at educational background ng mga topnotchers, at isa sa mga ini-interview ay isang taong kilalang-kilala ko- Si Mang Joe.

Nag-top 2 pala ang anak niya sa Board Exam for Teachers, at ngayon ay na-absorb na para maging professor sa UP. Nakakatuwa dahil hindi niya ikinahiyang sabihin sa publiko na nagtinda siya ng fish ball at naging crew ng Jollibee para lang makapag-ipon ng pang-matrikula. Malaki rin ang pasasalamat niya sa mga magulang niya na naging inspirasyon niya para makapagtapos ng pag-aaral.

Nalaman ko rin na kahit nakatapos na nang pag-aaral ang anak ay patuloy pa rin si Mang Joe sa pagtitinda ng fishball sa pinag-aralan kong unibersidad.

Bigla ko tuloy na-miss kumain nang fishball. Naisip ko- sa katapusan ay yayayain kong dumalaw sa probinsiya ang pamilya ko. Dadaan din kami sa dati kong unibersidad para kumain nang fishball.

Panigurado, may eat all you can offer na naman sa akin si Mang Joe.





--------------------




Ang kwentong ito ay entry para sa Maikling Kwento sa ikalawang taon ng Saranggola Blog Awards.










Maraming salamat sa DMCI Homes at Alta Vista De Boracay na siyang tumatayong sponsors ng Saranggola Blog Awards.




















Konting Barya Lang Po

Tuesday, August 25, 2009 · 5 comments


"Te, Kuya, konting barya lang po, pangkain lang"

Parang pag may namamalimos lang ang drama.

Anyway, sumali kasi ako sa pa-kontes ni superduper bonggang Blue Umali nitong July 2009 (Saranggola Blog Awards).

First-time kong sumali sa mga ganitong ka-churvahan and acshuli, gusto ko talagang mahablot yung top prize hindi ko naman talaga habol yung manalo ng kung anupamang premyo. Gusto ko lang talagang mag-build ng connection sa iba pang bloggers.

Pero dahil andito na rin lang,

"Te, Kuya, parang awa ninyo na, daan naman kayo sa entry ko at mag-iwan ng comment. Hanggang August 31 na lang ang kontest, kaya sana maawa na kayo sa bulag akin.

Ang nakabasa nito at hindi mag-iiwan ng kumento, may tae sa pwet.

eeeew.


-----------------------

I-click lang ang link sa aking entry sa Saranggola Blog Awards sa ibaba:

2010

Monday, July 13, 2009 · 51 comments

"Sigurado ka bang tatakbo ka sa Mayo?", tanong ni Tiyo Berto sa kanya.

"Opo", marahan niyang tugon, "matagal kong pinag-isipan, at desidido na ako alang-alang sa mga kababayan nating humihimok sa akin para tumakbo".

"Eh, paano baga? Dalawang bigating pulitiko yang babanggain mo, at pareho pang naka-partido. Si Mayor Dizon eh, panigurado nang may mga hawak na tao yan. Si Atty. Baltazar, mayaman at maimpluwensiya. Paano ka sasabay sa kanila? Atsaka sinong partido ang kukupkop sa'yo?".

"Suporta ho ng mga tao ang pinanghahawakan ko", ani Juan Dela Cruz. "Alam kong kung sa yaman at impluwensiya eh wala akong pangtapat sa kanila. Pero sa tingin ko ho eh tama ang mga kababayan natin. Kailangan na ng pagbabago, kailangan nang may tumayo para subukang harapin ang mga dating lider na wala namang nagawa sa bayan. At hindi ko ho kailangan ng partido para gawin yan. Mag-i-indipendiente ho ako".

"Diyos ko, ikaw bata ka", alalang sabi ni Tiyo Berto, "eh yaman din lang at napagdesisyunan mo na eh, alangan namang hindi ka namin suportahan. Nandiyan na 'yan. Eh, sige, gawin natin ang magagawa natin".

At pumutok na ang balita sa buong bayan.

Tatlo ang maglalaban sa pagka-alkalde sa bayan ng San Felipe!

Malakas ang kumpiyansa ng kasalukuyang Mayor Arnulfo Dizon na siya pa rin ang iboboto ng taongbayan. Kung kailangang idaan sa dahas at pananakot ay gagawin niya, bagay na ginagawa na ng angkan niya, sa loob ng ilang taong paghahari sa bayan.

Tiwala naman si Atty. Ramon Baltazar na siya ngayon ang mananalo. Ilang taon ding sinikap niyang magkaroon ng kung sinu-sinong koneksiyon, kadalasa'y mga maimpluwensiyang taong nabigyan niya ng pabor sa mga kasong kinakaharap ng mga ito. At kung sa yaman at impluwensiya rin lamang, kaya niyang tapatan si Mayor Dizon.

Sa isang banda'y tila isang nuisance o panggulong kandidato lang si Juan Dela Cruz. Oo nga't nakatapos siya ng kursong agrikultural sa pampublikong unibersidad ngunit saan siya kukuha ng perang gagamitin sa pangangampanya, gayong ang tanging suweldong nakukuha niya sa pagtulong sa mga magsasaka ay pakilo-kilong aning palay lang?

Sa kanilang bayang San Felipe, mababa ang tsansang umunlad silang mga mahihirap dahil ang tanging yumayaman ay iyong dati nang mayayaman.

Ngunit dahil na rin sa udyok ng mga magsasakang nakakausap niya sa kanyang paglilibot sa mga bara-barangay, natagpuan ni Juan ang sarili na tumayo at maghangad ng pagbabago para sa bayan. Sa panahon na kailangan ng San Felipe ang isang mabuting lider, ipinasya niyang tanggapin ang hamon at sumabak sa larangang hindi siya bihasa.

Makulay, masaya ang kampanya.

Paroo't parito ang mga sasakyang nag-iingay sa kalsada, "Iboto si Mayor Dizon!!! Matapang na Lider!!!!

Samantalang ang mga poste at pader ay napuno ng bigotilyong mukha ni Atty. Baltazar, Hangad ang Kalayaan laban sa nakaupo!!!

Habang doon sa mga bukirin, sa mga barangay, at sa mga sitiong baku-bako ang kalsada ay tahimik na nagbabahay-bahay si Juan Dela Cruz gamit ang lumang bisikleta.

At dumating ang isa sa mga importanteng parte ng kampanya- ang paghaharap ng mga kandidato sa iisang entablado para sa pagpapahayag ng kanilang mga plataporma-de-gobyerno. Imbitado ang lahat na makinig at dumalo, alas siyete ng gabi sa liwasang-bayan ng San Felipe, saksi ang inaalikabok na rebulto ni Gat Jose Rizal.

Matapos ang pagsasayaw ng mga kabataang masiglang umindak sa saliw ng kantang Umbrella at Spaghetti Pababa, inumpisahan na ang talumpati.

Nagsimula ang tunggalian sa tanong ng host: "Sa anong bagay mo ihahalintulad ang iyong pamamahala kung ikaw ang magiging Mayor ng San Felipe?".

Bilang incumbent, ay naunang nagsalita si Mayor Dizon. Matapos ang pagpalakpak ng tatlumpung bodyguard na sinabayan pa ng pagsirit ng kuwitis sa kalangitan, sinimulan ni Mayor ang talumpati:

Katulad ng mahigit dalawampung taong paghahari, este, pamamalakad ng aming pamilya sa bayang ito, muli kong ipatutupad ang aking pamamalakad gamit ang Kamay na Bakal! Dahil alam kong kailangang maging matapang at matatag ang isang lider upang labanan ang mga taong gustong mag-aklas laban sa administrasyon ko!!!

At muling nagpalakpakan ang tatlumpung bodyguards habang nangakangisi.


Nagsimula ang talumpati ni Atty. Baltazar sa pagbanggit sa mga taong kakilala at kaibigan- si Dr. Ganito na nabigyan niya ng tulong, si Mr. Ganyan na natulungan niyang lumusot sa kaso, at kung sinu-sino pa, sabay baling sa host ng programa at sinabing,

"Ano nga ba ang tanong?"

Matapos maalala ang tanong ay sinimula na niya ang litanya.

Lalabanan ko ang kamay na bakal ng kasalukuyang administrasyon! Ang aking pamamahala ay ihahalintulad ko sa isang Puting Kalapati na malayang lumilipad sa kalawakan! Babawasan natin ang mga batas, bagkus ay hahayaan nating magkaroon ng kalayaan ang bawat tao na abutin ang kanyang mga naisin sa bayang ito!

At habang sinasabi niya ito ay naglalaro sa isip ni Atty. Baltazar ang mga yamang masasamsam mula sa mga mahihirap na magsasaka.

Sumunod na tumayo sa harap ng madla si Juan Dela Cruz, tangan ang isang Munting Saranggola.

"Ang inyo po bang gustong sabihin ay ihahalintulad ninyo ang pamamahala ninyo sa isang laruang saranggola?", patawang sabi ng host ng programa, na sinundan ng mapanlibak na tawa ni Mayor Dizon, at ng matunog na halakhak ng mga bodyguards, at ang patuyang tingin ni Atty. Baltazar.

"Opo", marahan ngunit matatag na sabi ni Juan Dela Cruz na ikinatahimik ng buong madla.

Hindi po dahas ang kailangan ng bayan upang umunlad, sapagkat napatunayan na nating ang mariing pagsiil sa kapakanan ng mamamayan ay hindi kailanman naging susi upang kanilang maabot ang minimithing kaunlaran. Gayundin ay ang pagbibigay naman sa mga mamamayan ng maalwang kalayaan ay hindi rin naman makabubuti sapagkat maaari silang masadlak sa maling gawain.

Ihinahalintulad ko ang pamamahala ng bayan sa pagpapalipad ng saranggola sa kalangitan. Kailangan mong bigyan ng kaunting kalayaan ang katawan nito sa pamamagitan ng paglarga ng pisi upang patuloy itong tumaas at sumayaw-sayaw sa hangin. Ngunit kailangan mo ring ituon ang iyong isip sa paghawak sa natitirang pisi sa iyong kamay upang hindi ito tuluyang kumawala sa hangin. Kailangan ding gamitin ang iyong kamay upang gabayan ang saranggola kung saan ito tutungo upang maiwasang sumabit ito sa mga puno sa paligid.

Gayundin naman ang bayan at ang mga mamamayan. Bigyan sila ng kalayaang gawin at tuparin ang kanilang mga pangarap. Ibigay sa kanila ang yaman na dapat ay para sa kanila. Ngunit kaakibat nito ay itatag at ipatupad ang mga batas ng bayan upang maiwasan ang kaguluhan at mapanatili ang kaayusan ng komunidad.


Matapos ang talumpati ay tahimik ang madla. Hanggang sa isang miron ang sumigaw, "Mabuhay si Juan Dela Cruz!!!!"

Tapos na ang botohan, tapos na ang bilangan.

"Kailangan nating magdiwang dahil nanalo ka, nanalo ang taongbayan", masayang sabi ni Tiyo Berto, habang nakapalibot sa kanila ang ilang magsasakang tumulong sa kampanya. "Paano ba ang gusto mong selebrasyon?"

Masayang tumugon si Juan Dela Cruz, "Magsasalu-salo tayo sa gitnang bukid. Imbitado ang lahat, ipagdiriwang natin ang pagkapanalo ng bayan".

"At oo nga pala, magpapalipad tayo ng saranggola".


********************

Entry sa Saranggola Blog Awards ni Bernard Umali

PEBA NOMINEE

Siyetehan Supports PEBA



Siyetehan Wins

Philippine Blog Awards