Regular visitor namin si Mang Joe dati sa Boarding House noong nag-aaral pa ako sa isang malaking unibersidad sa Central Luzon.
Araw-araw kasi tuwing alas sais ng hapon, tumatambay na siya sa tapat ng bahay para maghintay ng mga estudyanteng bibili ng tinda niyang fishballs. Dahil marami-rami kaming nanunuluyan sa boarding house, halos sa amin pa lang, nauubos na ang paninda niya. Naging kapalagayan na rin namin siya ng loob kaya kahit na ubos na ang paninda, tumatambay rin siya paminsan-minsan para lang makipagkwentuhan.
Minsan ay naisipan ko siyang biruin kung bakit naman sa dinami-dami ng maititinda eh yung cheap at street food pa ang napili niya.
"Oy, Dong, wag mong iniismol ang pisbol ko! Alam mo bang kahit pisbol lang ang tinda ko eh me anak ako sa UP?", mayabang niyang sagot.
"Talaga ho?!", pagulat kong sabi.
"Oo, Dong, pero yung anak ko, nagtitinda rin ng pisbol sa UP!", tsaka siya tumawa ng malutong. "Pumasok ka na nga, Dong, sa boarding house, at gumagabi na. Baka maaga pa ang pasok mo bukas".
Nang minsang matiyempuhan na ako lang ang mag-isang bumibili ng fishball ay tinanong ako ni Mang Joe. "Dong, mahirap ba yang course mong Education? Kasi yung anak kong sinasabi sa'yo na nasa UP, magsi-second year na sa June, eh Education daw ang kukuhaning kurso."
Noon ko lang nalaman na totoo palang may anak siyang fishball vendor nga sa UP pero paunti-unti ay nag-aaral.
"Hindi naman mahirap ang kursong Education, Mang Joe. Ang importante eh masipag mag-aral at may determinasyon na makatapos", sabi ko.
"Kunsabagay, tama ka. Alam mo, masipag yung anak ko. Tsaka hindi niya ikinakahiya na magtinda ng fishball. Basta sa kanya, hindi dapat ikahiya ang marangal na trabaho, makatapos lang ng pag-aaral."
"Magtatagumpay ang anak niyo, Mang Joe", sabi ko. "Sa tulong ng Diyos, makakatapos ang anak niyo."
"Salamat, Dong. Yan ang ipinapanalangin ko sa Kanya araw-araw", pagwawakas niyang sabi.
Lumabas ako isang hapon dahil nagkaka-ingay sa tapat ng Boarding House. Masaya ang mga tao habang nakapaligid sa fishball cart ni Mang Joe. Nang matanaw ako ni Mang Joe ay pasigaw niya akong tinawag. "Dong! Alika dito! Tumusok ka na nang fishball dito at sagot ko! Eat All You Can!", masaya niyang sabi.
"Ano ho'ng meron?", sabi ko nang makalapit ako't mag-umpisang tumuhog ng fishball.
"Na-promote ang anak niya, 'tol!", sabi nang isang boardmate ko. "Di na raw fishball vendor. Sa Jollibee na raw nagta-trabaho, hahaha!".
"Oo, Dong", sabi ni Mang Joe. "Natanggap na crew sa Jollibee ang anak ko sa may Pelkuwa daw ata 'yun", nakangiti niyang sabi.
"Ah, PHILCOA po", sabi ko naman. "Mas mainam po doon, mas malaki ang kita niya at mas maayos ang trabaho".
"Oo, kaya nga tuwang-tuwa ako. O! tusok pa! Kain lang ng kain at walang bayad yan!"
Halos alas-otso na nang gabi nang magpaalam si Mang Joe para umuwi.
"Sandali ho, Mang Joe", sabi ko at mabilis akong pumasok sa Boarding House.
Pagbalik ko ay iniabot ko ang ilang librong itinabi ko na layon ko talagang ibigay sa anak ni Mang Joe. "Pakibigay niyo na ho ito sa anak niyo. Mga libro ko ho yan at mga reviewers. Dagdag reading materials para hindi na siya bumili pa."
"Salamat, Dong, ha! Matutuwa ang anak ko dito. Tamang-tama, dadalaw kami sa kanya sa katapusan, maibibigay ko ito sa kanya!"
Limang taon ang lumipas nang muli akong makabalita tungkol kay Mang Joe. Kagagaling ko noon sa pinapagtuturuang University sa Quezon City at naisipan kong manood ng documentary show sa Channel 7 kung saan ang feature nila ay tungkol sa mga estudyanteng nag-top ng board exam sa larangan ng Accountancy, Nursing at Education.
Kasali sa istorya ay ang family at educational background ng mga topnotchers, at isa sa mga ini-interview ay isang taong kilalang-kilala ko- Si Mang Joe.
Nag-top 2 pala ang anak niya sa Board Exam for Teachers, at ngayon ay na-absorb na para maging professor sa UP. Nakakatuwa dahil hindi niya ikinahiyang sabihin sa publiko na nagtinda siya ng fish ball at naging crew ng Jollibee para lang makapag-ipon ng pang-matrikula. Malaki rin ang pasasalamat niya sa mga magulang niya na naging inspirasyon niya para makapagtapos ng pag-aaral.
Nalaman ko rin na kahit nakatapos na nang pag-aaral ang anak ay patuloy pa rin si Mang Joe sa pagtitinda ng fishball sa pinag-aralan kong unibersidad.
Bigla ko tuloy na-miss kumain nang fishball. Naisip ko- sa katapusan ay yayayain kong dumalaw sa probinsiya ang pamilya ko. Dadaan din kami sa dati kong unibersidad para kumain nang fishball.
Panigurado, may eat all you can offer na naman sa akin si Mang Joe.
--------------------
Ang kwentong ito ay entry para sa Maikling Kwento sa ikalawang taon ng Saranggola Blog Awards.
Maraming salamat sa DMCI Homes at Alta Vista De Boracay na siyang tumatayong sponsors ng Saranggola Blog Awards.