Syempre nagpaalam naman muna ako bago ko hinarbat itong blog post ni Bob Ong. Salamat na nga lang at pumayag siya na irepost ko ang buong article sa Siyetehan.
Masiste, nakakatuwa, nakakaaliw, nakakatawa. Yan ang style ni Bob Ong. Silipin natin sa artikulong ito kung ano ang kanyang pananaw sa isyu ng pagpili sa mga susunod na lider ng ating bayan para sa darating na halalan sa Mayo 2010.
Para sa Bobong Pamunuan, Bobotante ang Kailangan
-Akda ni Bob Ong
Aminin na natin, hindi lahat ng botante ay may oras, tiyaga, at talino para suriin ang background ng bawat kandidato. Hindi rin marami ang may kakayanang umintindi sa kung anuman ang totoong ibig sabihin ng mga nakalista sa plataporma nila...kung meron man.
Bagama't hindi perpekto, pare-parehong may magagandang qualification ang mga tumatakbo.Kung pagbabasehan ang mga patalastas, lahat sila may pangarap, plano, at magandang hangarin para sa bansa. Dalawa lang ang problema, hindi naman lahat ng binibitiwang pangako e totoo; at hindi lahat ng totoong pangako e kayang tuparin. Maging ang inaasahan nating matinong basehan dati sa pagpili ng iboboto--ang debate--e hindi rin pala mapanghahawakan, sabi ng ilang political analyst sa TV kelan lang. Oo nga naman, dahil pwedeng madehado ang mga kandidatong mas magagaling na leader pero mahina sa talakayan.
Kung hindi maaasahan ang aktibong personalidad ng mga kandidato sa kasalukuyan, o ang mga magaganda nilang hangarin sa hinaharap, walang natitirang basehan kundi kung ano ang mga napatunayan na nila sa nakaraan. Tutal sabi nga, history repeats itself.
Hindi ako gaanong umaasa sa mga taong "malinis". Kasi "power corrupts". Karaniwan na ang mga nag-uumpisa nang "malinis", nagkakatalo lang sa huli kung sino ang may pinakamaraming mabuting nagawa nang may pinakakonting natamong dumi. Ang masipag, nadudumihan. Lalo na ang masipag maglinis.
Hindi ako gaanong umaasa sa mga masyadong "makatao". Siguro importante yon para sa kapitan ng barangay, pero para sa leader ng bansa, maraming pagkakataon na kailangan nyang talikuran ang mga tao para tumingin sa dinadaanan nila. Walang tsuper na nakaharap sa mga pasahero.
Naniniwala akong dapat na mas malaki sa atin ang presidente. Kung kailangang lagi nating naiintindihan ang takbo ng isip nya, kung lagi nating kasundo ang mga galaw nya, kung diskarte din natin ang mga diskarte nya...isa lang sya sa atin, at hindi sya espesyal na tao. Hindi dapat ipagkatiwala sa kanya ang kinubakasan ng lahat kung kaya naman ito gawin ng lahat para sa sarili nila.
Hindi ako gaanong umaasa sa mga nagpapamudmod ng kung anu-anong give away o papremyo, hindi yun ang responsabilidad ng pinuno sa bayan o obligasyon nya sa mga mamamayan. Kayang gawin ng mga pribadong tao ang dole-outs; sa kapasidad ng inihalal na leader, mas malaki, mas pangmatagalan, at mas kongkretong programa ang inaasahan ng bayan.
Hindi ako gaanong umaasa sa kandidatong gumagamit ng mga artista. Walang masama na gawin nya ang lahat ng ligal na kaya nya para manalo sa eleksyon. Pero malalaman mong walang pagbabagong dala ang kandidatong nagtuturo sa mga mamamayang bumoto base sa dami at bigat ng mga artistang nag-e-endorso sa kanya. Maaaring magaling ang kandidatong yon, maaaring masipag, maaaring mabait...pero hindi sya ang uri ng pinuno na magdadala ng pagbabago.
Ayos lang ang pag-endorso ng sikat at respetadong tao. Makakatulong yon sa kandidato. Pero ang paggamit ng santambak na artista sa pangangampanya ay insulto sa talino ng mga mamamayan.
Kung paano itrato ng kandidato ang mga botante, kung paano nya kinukuha ang boto ng tao, kung anong klaseng mga boto ang iniipon nya para maluklok sya sa pwesto, yun ang tingin nya sa Pilipino. At yun ang lideratong ibibigay nya sa Pilipinas.
Hindi gaanong "winnable" ang kandidatong puro pagpapaliwanag kung anong klaseng pinuno ang dapat piliin ng mga tao, pero maganda ang hangarin nyang itaas ang moral at kamalayan ng mga mamamayan; at hinahangaan ko ang respeto nya sa kapangyarihan ng eleksyon at sa kakayanan ng mga botanteng mag-isip at pumili nang tama.
Kung pag-aaralan ang kasaysayan ng mga pinakamagagaling at epektibong leader ng mundo, makikitang malayo pa ang panuntunan na ginagamit ng mga Pilipino....
"If you always do what you always did, you'll always get what you always got." - Sabi ng naglalako ng taho kaninang umaga
(This political ad is paid by the friends and supporters of Eddie Gil and Ellie Pamatong.)
-Bisitahin ang multiply account ni Bob Ong para sa iba pa sa kanyang mga katha.