Wander Milyoner

Sunday, October 17, 2010 · 25 comments

"Talaga? Uuwi na'y Mister mo? Wow naman! Chocolates ha? Tsaka baka pwedeng humingi ng 1 dollar, pang souvenir, hehe.", pabiro kong sabi kay Mabel. "Oy, tsaka kailangan, magpapayat ka, para masundan na'y inaanak ko, hahaha!"



"Loka!", patawang sabi din ni Mabel. "Nakakalungkot nga eh. Two weeks lang ang vacation niya. Mabuti nga at pinayagan siya. 3rd birthday kasi nung inaanak mo kaya siya nagpupumilit umuwi. Alam mo naman si kumpare mo, Family Man."



"Ay oo. Tsaka birthday ni Unica Hija niya, hindi siya pwedeng hindi umuwi", sabi ko.



**********



Masaya na rin ako parang kay Mareng Mabel. Kahit na paminsan-minsan ay talagang hindi niya mapigil ang pagdaing sa akin dahil mahirap nga naman na nasa malayo ang Mister niya, lalo na tuwing magkakasakit ang anak nila, o tuwing pasko o may okasyon pero hindi pinayagang umuwi sa Pilipinas.



Natutuwa na rin ako dahil alam kong nagsusumikap silang dalawang mag-asawa at may pinatutunguhan ang paghihirap nilang dalawa.



Naalala ko tuloy ang kwento (at tsismis) nung kasambahay ng Nanay ko sa probinsiya. Nung minsan kasi ay tinanong ko siya kung kumusta na iyong mga kapitbahay niya (at kababayan namin) na ang mga asawa ay nagsipag-abroad.



"Ay naku! Ayun! Masasaya na naman ang mga hinayupak na Wander Milyoner!", pabulalas na sabi ni Aling Neneng.



"Ano hong Wander Milyoner?", tanong ko.



"Eh 'di yung mayaman ngayon, bukas nakatunganga!", sagot niya. "Kahapon kasi, dumating yung LBC, naka-motorsiklo. Me inabot na rimitans dun ke Betty at ke Celia. Aba, akalain mo, kanina, nagshopping na yung dalawa!"



Dahil ginanahan na, tuloy na rin ang kwento (at tsismis) ni Aling Neneng.



"Ang hirap kasi dun sa mga asa-asawa nila, panay lang ang padala ng pera dito. Ni hindi nga umuuwi sa Pilipinas, eh! Alam pa ba nila kung ano'ng ginagawa ng mga Misis nila sa perang pinapadala nila dito?!



Aba'y si Betty, pagkatanggap ng pera galing sa asawang nagpapakahirap sa abroad, inuubos agad sa pagsi-shopping! Naka-modelo nga ng celfone yung dalawang anak eh! Pero wag ka ha? Yung dalawang anak niya, parehong mahilig sa basag-ulo. Ang makursunadahan, basta na lang sinusuntok at hinahamon ng away! Ewan ko lang kung pagdating ng ama galing abroad eh kaya pang i-disiplina yung dalawa.



Pero oist! Atin atin na lang ha?", pabulong na sabi ni Aling Neneng. "Iyon namang si Celia, aba'y bukas-makalawa, baka sumakabilang-bahay na."



"Ano ho?! Ano ho ang sakit?!", sabi ko.



"Ay, naku, ikaw, bata ka. Sumakabilang-bahay ang sabi ko, hahaha". Ibig kong sabihin, may kinakatagpo na tiga-kabilang barangay. Kaya hindi magtatagal, sa kabilang bahay na uuwi 'yon, kasi ang huling balita ko eh napuruhan ata, nabuntis ang loka. Siyempre hindi pa alam nung kawawang Mister na nasa abroad kaya panay pa rin ang padala ng sustento.", patuloy na kwento ni Aling Neneng.


**********


Hindi na nakakapagtaka ang mga kwentong ganoon tungkol sa mga nag-a-abroad.



Nakalulungkot isipin na kung paano ang pagpipilit ng ilan sa mga OFWs na magsumikap at magtiis para sa pamilyang iniwan sa Pilipinas ay nasisira naman ang mismong pamilya dahil sa wala sila rito sa bansa upang gabayan ang mga miyembro nito.



"You can't have all", ang sabi ng isang anonymous writer.



Subalit hindi ba't ang Panginoon naman ang nagdisenyo ng pamilya, kung kaya may kapasidad ito upang magsama ng matagumpay at maayos, kahit sa anong uri ng pagsubok at sitwasyon?



May kuwento ng lungkot katulad nila Betty at Celia. Ngunit lahat ba ng kwentong OFW ay katulad nila?


**********



"Uy, mare, wag kang mawawala sa birthday ng inaanak mo", sabi ni Mabel. "Sabado nang hapon 'yon".



"Sa Sabado na ba? Eh yung Mister mo, kumusta? Natuloy bang umuwi?", sabi ko.



"Oo, kahapon dumating", masayang kwento ni Mabel. "Alam mo, nag-usap kaming mag-asawa. Napagdesisyunan namin na huling kontrata na niya itong susunod na dalawang taon. Pagkatapos nang dalawang taon, tigil na siya sa pag-a-abroad".



"O, bakit naman? Malaki ang kita niya ah", sabi ko.



"Noong una pa naman, malinaw na sa aming dalawa na temporary lang ang pag-a-abroad niya. Talagang kailangan lang na makaipon kami ng malaki-laking pera para maumpisahan yung negosyo na binabalak naming itayo sa probinsiya nila sa Dagupan", kwento ni Mabel.


"Kaya nga kung mapapansin mo, kahit nasa abroad ang Mister ko, hindi naman halos nagbago ang lifestyle ko. Wise spending kami lagi, bumibili lang ng kung ano ang kailangan at kung ano ang dapat. Kahit yung anak namin, hindi lumaking may luho sa katawan. Eh ngayon na halos sapat na ang naipon namin para sa maayos na negosyo, pwede na siyang hindi mag-abroad.


Isa pa, lumalaki na ang anak namin. Mas magandang nakikita at nagagabayan siya ng Tatay niya sa paglaki niya."


--------------------

Ang kwentong ito ay alay para sa mga kababayan natin na nagsisikap magtrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ng mabuting buhay ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas. Gayundin, ito ay lahok para sa:












Kung kayo ay pinagpala ng kuwentong ito, hinihiling ng may akda na iboto ninyo ang entry na ito sa Online Voting System ng PEBA website. Sundin lamang ang mga sumusunod na proseso:


1. I-click ang link na ito upang makapunta sa PEBA Website.

2. Hanapin sa kaliwang bahagi ng webpage ang listahan ng mga Philippine Based Nominees.

3. I-check ang #15. Siyetehan, Quezon City Philippines at I-click ang Submit Vote Button.

Marami pong salamat.

PEBA NOMINEE

Siyetehan Supports PEBA



Siyetehan Wins

Philippine Blog Awards