"Sigurado ka bang tatakbo ka sa Mayo?", tanong ni Tiyo Berto sa kanya.
"Opo", marahan niyang tugon, "matagal kong pinag-isipan, at desidido na ako alang-alang sa mga kababayan nating humihimok sa akin para tumakbo".
"Eh, paano baga? Dalawang bigating pulitiko yang babanggain mo, at pareho pang naka-partido. Si Mayor Dizon eh, panigurado nang may mga hawak na tao yan. Si Atty. Baltazar, mayaman at maimpluwensiya. Paano ka sasabay sa kanila? Atsaka sinong partido ang kukupkop sa'yo?".
"Suporta ho ng mga tao ang pinanghahawakan ko", ani Juan Dela Cruz. "Alam kong kung sa yaman at impluwensiya eh wala akong pangtapat sa kanila. Pero sa tingin ko ho eh tama ang mga kababayan natin. Kailangan na ng pagbabago, kailangan nang may tumayo para subukang harapin ang mga dating lider na wala namang nagawa sa bayan. At hindi ko ho kailangan ng partido para gawin yan. Mag-i-indipendiente ho ako".
"Diyos ko, ikaw bata ka", alalang sabi ni Tiyo Berto, "eh yaman din lang at napagdesisyunan mo na eh, alangan namang hindi ka namin suportahan. Nandiyan na 'yan. Eh, sige, gawin natin ang magagawa natin".
At pumutok na ang balita sa buong bayan.
Tatlo ang maglalaban sa pagka-alkalde sa bayan ng San Felipe!Malakas ang kumpiyansa ng kasalukuyang Mayor Arnulfo Dizon na siya pa rin ang iboboto ng taongbayan. Kung kailangang idaan sa dahas at pananakot ay gagawin niya, bagay na ginagawa na ng angkan niya, sa loob ng ilang taong paghahari sa bayan.
Tiwala naman si Atty. Ramon Baltazar na siya ngayon ang mananalo. Ilang taon ding sinikap niyang magkaroon ng kung sinu-sinong koneksiyon, kadalasa'y mga maimpluwensiyang taong nabigyan niya ng pabor sa mga kasong kinakaharap ng mga ito. At kung sa yaman at impluwensiya rin lamang, kaya niyang tapatan si Mayor Dizon.
Sa isang banda'y tila isang
nuisance o panggulong kandidato lang si Juan Dela Cruz. Oo nga't nakatapos siya ng kursong agrikultural sa pampublikong unibersidad ngunit saan siya kukuha ng perang gagamitin sa pangangampanya, gayong ang tanging suweldong nakukuha niya sa pagtulong sa mga magsasaka ay pakilo-kilong aning palay lang?
Sa kanilang bayang San Felipe, mababa ang tsansang umunlad silang mga mahihirap dahil ang tanging yumayaman ay iyong dati nang mayayaman.
Ngunit dahil na rin sa udyok ng mga magsasakang nakakausap niya sa kanyang paglilibot sa mga bara-barangay, natagpuan ni Juan ang sarili na tumayo at maghangad ng pagbabago para sa bayan. Sa panahon na kailangan ng San Felipe ang isang mabuting lider, ipinasya niyang tanggapin ang hamon at sumabak sa larangang hindi siya bihasa.
Makulay, masaya ang kampanya.
Paroo't parito ang mga sasakyang nag-iingay sa kalsada, "Iboto si Mayor Dizon!!! Matapang na Lider!!!!
Samantalang ang mga poste at pader ay napuno ng bigotilyong mukha ni Atty. Baltazar, Hangad ang Kalayaan laban sa nakaupo!!!
Habang doon sa mga bukirin, sa mga barangay, at sa mga sitiong baku-bako ang kalsada ay tahimik na nagbabahay-bahay si Juan Dela Cruz gamit ang lumang bisikleta.
At dumating ang isa sa mga importanteng parte ng kampanya- ang paghaharap ng mga kandidato sa iisang entablado para sa pagpapahayag ng kanilang mga plataporma-de-gobyerno. Imbitado ang lahat na makinig at dumalo, alas siyete ng gabi sa liwasang-bayan ng San Felipe, saksi ang inaalikabok na rebulto ni Gat Jose Rizal.
Matapos ang pagsasayaw ng mga kabataang masiglang umindak sa saliw ng kantang
Umbrella at
Spaghetti Pababa, inumpisahan na ang talumpati.
Nagsimula ang tunggalian sa tanong ng host: "Sa anong bagay mo ihahalintulad ang iyong pamamahala kung ikaw ang magiging Mayor ng San Felipe?".
Bilang
incumbent, ay naunang nagsalita si Mayor Dizon. Matapos ang pagpalakpak ng tatlumpung bodyguard na sinabayan pa ng pagsirit ng kuwitis sa kalangitan, sinimulan ni Mayor ang talumpati:
Katulad ng mahigit dalawampung taong paghahari, este, pamamalakad ng aming pamilya sa bayang ito, muli kong ipatutupad ang aking pamamalakad gamit ang Kamay na Bakal! Dahil alam kong kailangang maging matapang at matatag ang isang lider upang labanan ang mga taong gustong mag-aklas laban sa administrasyon ko!!!At muling nagpalakpakan ang tatlumpung bodyguards habang nangakangisi.
Nagsimula ang talumpati ni Atty. Baltazar sa pagbanggit sa mga taong kakilala at kaibigan- si Dr. Ganito na nabigyan niya ng tulong, si Mr. Ganyan na natulungan niyang lumusot sa kaso, at kung sinu-sino pa, sabay baling sa host ng programa at sinabing,
"
Ano nga ba ang tanong?"
Matapos maalala ang tanong ay sinimula na niya ang litanya.
Lalabanan ko ang kamay na bakal ng kasalukuyang administrasyon! Ang aking pamamahala ay ihahalintulad ko sa isang Puting Kalapati na malayang lumilipad sa kalawakan! Babawasan natin ang mga batas, bagkus ay hahayaan nating magkaroon ng kalayaan ang bawat tao na abutin ang kanyang mga naisin sa bayang ito!At habang sinasabi niya ito ay naglalaro sa isip ni Atty. Baltazar ang mga yamang masasamsam mula sa mga mahihirap na magsasaka.
Sumunod na tumayo sa harap ng madla si Juan Dela Cruz, tangan ang isang
Munting Saranggola.
"Ang inyo po bang gustong sabihin ay ihahalintulad ninyo ang pamamahala ninyo sa isang laruang saranggola?", patawang sabi ng host ng programa, na sinundan ng mapanlibak na tawa ni Mayor Dizon, at ng matunog na halakhak ng mga bodyguards, at ang patuyang tingin ni Atty. Baltazar.
"Opo", marahan ngunit matatag na sabi ni Juan Dela Cruz na ikinatahimik ng buong madla.
Hindi po dahas ang kailangan ng bayan upang umunlad, sapagkat napatunayan na nating ang mariing pagsiil sa kapakanan ng mamamayan ay hindi kailanman naging susi upang kanilang maabot ang minimithing kaunlaran. Gayundin ay ang pagbibigay naman sa mga mamamayan ng maalwang kalayaan ay hindi rin naman makabubuti sapagkat maaari silang masadlak sa maling gawain.
Ihinahalintulad ko ang pamamahala ng bayan sa pagpapalipad ng saranggola sa kalangitan. Kailangan mong bigyan ng kaunting kalayaan ang katawan nito sa pamamagitan ng paglarga ng pisi upang patuloy itong tumaas at sumayaw-sayaw sa hangin. Ngunit kailangan mo ring ituon ang iyong isip sa paghawak sa natitirang pisi sa iyong kamay upang hindi ito tuluyang kumawala sa hangin. Kailangan ding gamitin ang iyong kamay upang gabayan ang saranggola kung saan ito tutungo upang maiwasang sumabit ito sa mga puno sa paligid.
Gayundin naman ang bayan at ang mga mamamayan. Bigyan sila ng kalayaang gawin at tuparin ang kanilang mga pangarap. Ibigay sa kanila ang yaman na dapat ay para sa kanila. Ngunit kaakibat nito ay itatag at ipatupad ang mga batas ng bayan upang maiwasan ang kaguluhan at mapanatili ang kaayusan ng komunidad.Matapos ang talumpati ay tahimik ang madla. Hanggang sa isang miron ang sumigaw,
"Mabuhay si Juan Dela Cruz!!!!"Tapos na ang botohan, tapos na ang bilangan.
"Kailangan nating magdiwang dahil nanalo ka, nanalo ang taongbayan", masayang sabi ni Tiyo Berto, habang nakapalibot sa kanila ang ilang magsasakang tumulong sa kampanya. "Paano ba ang gusto mong selebrasyon?"
Masayang tumugon si Juan Dela Cruz, "Magsasalu-salo tayo sa gitnang bukid. Imbitado ang lahat, ipagdiriwang natin ang pagkapanalo ng bayan".
"At oo nga pala, magpapalipad tayo ng saranggola".
********************
Entry sa Saranggola Blog Awards ni Bernard Umali